The Family of Saint Sharbel-Philippines
  • San Sharbel
    • Talambuhay
    • Mga Himala
    • Mga Patotoo >
      • ​Patotoo Ni Maria G. Foley
      • Patotoo Ni Olivier Giroud-Fliegner
      • Patotoo Ni Georgette Larose
      • Himala Ng Pagpapagaling Kay Margaret Bieser
      • Himala Ng Pagpapagaling Kay Homer Wiggins
      • Ang Himalang Pagpapagaling Kay George Pospisil
    • Mga Panalangin
  • Mga Karanasan
  • Tungkol sa Amin
    • Paliwanag sa Logo
  • Mag-donate
  • Mga wika1
    • English
    • Español
    • Português

Mga Sipi Mula Sa Nalalabing Lima Pang Mensahe Ni San Sharbel

7/11/2024

 
Picture
​Ang tungkod ng pastol ay gamit upang gabayan at pangalagaan ang kawan laban sa mga lobo at mga hayop sa gubat. Ang tungkod ng Mabuting Pastol ay mistulang tungkod subalit sa katunayan it ay isang setro o baston ng hari. Ang kahoy na bakulo sa kamay ng Mabuting Pastol ay nagiging setro, at ang napapalamutiang setro ay nananatili sa kamay Niya bilang isang kahoy na bakulo.
 
Magkahawig lamang ang munting sisidlan at malaking palayok na kapwa puno. Munting sisidlan ka man o palayok, ang mahalaga ikaw ay puno. Sikapin na laging maging puno, anuman ang laki mo. Huwag mabagabag ng mga panlabas na bagay. Ang mga nakapalibot sa iyo, sa harap at likod mo ay hindi kasing halaga ng nasa loob mo. Ang Kanyang katotohanan ay laging lumulutang kahit pa bumagsak ang mundo. Hindi kailanman nagbibigay sa iyo ang mundo, subalit nagkakautang ka pa dito. Ang Diyos lamang ang nagbibigay.
 
Hindi mo kayang buhatin ang mga taong mataas pa sa iyo, subalit kung si Kristo ay nasasaiyo, maaari kang umakyat at hilahin sila papalapit sa iyo. Kapag umakyat kang mataas, hilahin mo ang mga kapatid mo tungo sa iyo. Itinaas ka ni Kristo noong Siya ay itinaas, kaya itaas din ang iyong mga kapatid, dahil itinataas kayo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Kristo. Habang ikaw ay naaakit patungo kay Kristo, maaakit mo din ang mga tao sa palibot mo.
 
Huwag ipagbili ang kaluluwa sa mga pamilihan ng mundong ito. Ang mga kaluluwa ninyo ay lubhang mahalaga. Anuman ang halagang ibayad sa iyo ng mundo, napakaliit nito kung ihahalintulad sa tunay na halaga ng inyong kaluluwa. Huwag ipagbili ang mga kaluluwa dahil hindi mababayaran ng mundo ang tunay nitong halaga. Ang tunay na halaga ay nabayaran lamang sa dugo ni Kristo, buong-buong nabayaran sa Krus. Ang Kaharian ng Diyos ay hindi isang hantungan kundi isang paglalakbay na magaganap sa sarili mo sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Dahan-dahan, araw-araw, sa mga maliliit na detalyeng pumupuno sa mga sandali ng buhay mo, bawat segundo. Ang pagninilay ay ang masdan ang mga bagay kung ano talaga sila, hindi kung ano ang akala mo sa isip mo, o kung ano ang nais mong sila ay maging.
 
 
Mahal mo ang ideya tungkol sa tao, hindi ang tao mismo. At suklam ka sa ideya tungkol sa tao, hind sa tao mismo. Mag-ingat, huwag humusga. Huwag mag-isip ng mga namuong ideya at hatol sa kahit sino. Ang  ang pagtatangi sa mga tao ay mga lenteng inilalagay mo sa mata kung saan nakikita mo ang bawat tao sa kulay ng iyong lente, at hindi sa tunay nilang kulay.  Ilagay sa isip mo ang karunungan ng kalikasan, sa puso mo ang kagandahan at sa espiritu mo ang kapangyarihan ng palaging pagbabago.
 
Kapag nagkamali ka, aminin mo. Kapag inamin mo ang pagkakamali, ikumpisal ito, at ituwid hanggang kaya mo. Ang pagtanggap ng mali at pagtutuwid dito ay nakakapagtataas at hindi nakapagbababa sa atin. Ayusin ang kaya mo at ilkumpisa sa Diyos ang hindi mo kayang ayusin. Siya ang mag-aayos ng hindi mo kaya at magpupuno ng hindi mo kayang punan.
 
Huwag mangatwiran sa pagkakamali dahil sa mabubuting intensyon. Ang mabubuting intensyon ay hindi sapat na magdala sa iyo sa langit, dahil kailangang ang iyong mga gawa ay kasingbuti ng iyong mga intensyon. Ang mahalaga ay ang mga bunga ng iyong pagpapagod at ang mga kahihinatnan ng iyong mga salita. Ang mabuting intensyon ay ang katuwiran ng mangmang at ang kamangmangan ay tila pagtulog. Hindi mo alam na ikaw ay tulog kung hindi ka gigising. Gisingin ang mga natutulog. Kapag nagising, mauunawaan nilang nakatulog pala sila. Huwag makipag-usap sa tulog; hindi ka niya madidinig. Gisingin siya at saka makipag-usap sa kanya.
 
Lalong lumalago ang tao sa kabanalan, lalong hindi niya ito nakikita. Kapag napapansin niya ang kanyang kabanalan, doon ito maglalaho.
 
Isipin mo ang salitang sasabihin mo tulad ng isang naghahagis ng bato sa tirador. Ang naghahagis ng bato ay hindi kikilos hanggang hindi sigurado ang puntirya niya. Ang salita sa bibig mo ay parang bato sa tirador, kapag pinakawalan na ay hindi na mababawi pa. Kung hindi nito mararating ang puntirya, huwag nang ihagis pa dahil baka makasakit. Ang hindi kaaya-ayang mga salita ay nakapananakit. Iwasang gumamit ng salitang may ibang kahulugan at piliin lamang ang mga salitang may isang malinaw na kahulugan. Maging mabuting halimbawa sa halip na magbigay lamang ng mabuting payo. Kapag may nakitang mali, ituwid nang tahimik, sa halip na manisi nang malakas.
 
Ang bato sa ilang sa ilalim ng araw, na inilublob sa ilog, binuhusan ng mga langis na mabango, ibinabad sa insenso, o binalutan ng mga kulay ay mananatiling isang bato. Tanging durog na bato, katamtamang bato, maliliit na bato, at buhangin ang manggagaling sa malaking bato, at kapag lumambot ito, nagdudulot lang ng alikabok. Ang pagiging santo ay kakaibang-kakaiba sa pagyayabang na santo ka; iyong una ay posibleng mangyari kahit na wala iyong ikalawa.
 
 
Palaging suriin ang pagkakaiba ng iyong mga pagnanasa at ng iyong mga pangangailangan. Nagnanais ang tao ng mga bagay na hindi niya kailangan, at nangangailangan ng mga hindi naman niya ninanais. Ang kayamanan mo ay masusukat sa pagkawala ng iyong mga kailangan, hind isa pagdami ng iyong mga ari-arian. Lahat ng iniisip mong pag-aari sa mundo, sa katotohanan, ang nagmamay-ari sa iyo. Anuman ang sa isip mo’y nasa ilalim ng kapangyarihan mo sa mundo, sa katotohanan, ay siyang may kapangyarihan sa iyo. Lahat ng mga bagay sa mundo na nais mong kontrolin ay gumagawa sa iyo na katambal ng masama. Umiiral ka sa mundo upang magbigay at maglingkod, at hindi upang magmay-ari at mag-utos.
 
Malaki ang pagkakaiba ng pagsangkot at ng pagtatalaga ng sarili. Isabuhay ang pagtatalaga sa Simbahan at hindi ang pagsangkot sa pamayanan. Ang direksyong tatahakin mo ay mas mahalaga sa bilis ng pagkilos. Ano ang mapapala ng bilis at tulin kung mali ang direksyon? Huwag magsimula ng anuman sa lupa kung hindi naman ito hahantong sa langit. Huwag tahakin ang landas sa daigdig na hindi magdadala sa langit.
 
Ang limang pandama ay hindi kumpleto, ang iyong pandamang espirituwal ang kumukumpleto dito. Hindi ka makararating sa kabanalan nang hindi dumadaan sa pagkatao. Ang mga nagaganap sa loob mo ay mas mahalaga sa mga nagaganap sa labas mo.
 
Laging kilatisin ang pagkakataon at ang tukso. Ang sunggaban ang pagkakataon ay iba sa pagsuko sa kasalanan. Dahil ang pagtatangkang kunin ang pagkakataon ay isang pagkukusa sa mabuti, samantalang ang tukso ay isang pababang pag-ikot tungo sa kasamaan.
 
Ang kasalanan ay tila lason. Kapag nagkasala ka, para kang nakainom ng lason; ikaw ang siyang malalason, kahit paano mo pa ito ininom o sino ang nagbigay sa iyo nito. Walang magagawa ang pagsisi sa iba kapag nalason ka at namatay.
 
Ang taong mangmang ay kumakapit sa alikabok hanggang siya ay maging alikabok; ang marunong at maingat na tao ay kumakapit sa langit hanggang makarating siya sa langit. Mapapabilang ka sa lugar na kinakapitan mo.
 
Anumang papasok sa katawan mo at tatanggapin mo ay hindi iyo at anumang lalabas sa iyo at ibibigay mo ay sa iyo. Hindi ka susuriin sa anumang papasok sa iyo kundi sa anumang lalabas sa iyo. Anumang papasok sa iyo ay hind isa iyo, anumang lalabas ay sa iyo. Sa kapangyarihan ng Espiritu na iyong tinanggap sa pamamagitan ng mga panalangin, ay magbabago ng lahat ng papasok sa iyo na hindi mo naman pag-aari, tungo sa kabanalan na nagniningning sa iyo at kikilos upang lahat ng bagay maging iyo.
 
Sa landas ng Panginoon, kapag umusod ka ng isang hakbang pabalik, gagawin ng Demonyong sampu ang hakbang na ito. Subalit kapag umusad ka naman ng isang hakbang pasulong, tutulungan ka naman ng Panginoon na umusad pa ng isangdaan.
 
Sinumang gumugugol ng buhay niya sa pagtugtog ng kampana ng Simbahan ay hindi nangangahulugang siya ding papasok sa langit at maliligtas ang kaluluwa. Mas mabuti pang makinig sa kampana ng budhi niya kapag naghahayag ito ng kasalanan. Marami ang mga bumabatingting ng kampana ng simbahan upang hindi madinig ang sarili nilang budhi.
 
Huwag magpakabusog, kumain lamang para mapawi ang gutom. Dahil alam ng tao kung hindi na siya gutom subalit hindi niya alam kung kailan siya busog na. Ang pagkabusog ng tao ay walang limitasyon. Ang lasa ng kalinisan ng puso ay may masarap pa kaysa sa lasa ng sekswal na ginhawa. Hindi alak ang nagpapalasing sa tao; ang tao ang siyang nalalasing.

Ikalabing-Anim Na Karanasan: Bawat Pamily Ay Banal Na Pamilya

7/11/2024

 
Picture
Ang pamilya ng tao sa mundo ay larawan ng Banal na Pamilya sa langit. Ang pamilya ay dumadaan sa plano ng Diyos mula sa isang salinlahi patungo sa susunod pang salinlahi. Ipinapasa nito ang pag-ibig at salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga salinlahi. Ang pagbagsak ng pamilya ay nangangahulugan ng pagbagsak ng plano ng Diyos sa sangkatauhan. Nangangahulugan ito ng pagkawasak ng mensahe ng kaligtasan at kabanalan sa sangkatauhan. Bawat pamilya ay banal na pamilya sapagkat ito ay larawan ng Tatlong Persona sa IIsang Diyos (o Sangtatlo). Ang karupukan ng pamilya ay karupukan ng larawan ng Diyos. Dinadala ng pamilya ang sulo ng liwanag at ipinapasa ito mula sa isang salinlahi hanggang sa susunod pa upang manatiling nakasindi ang ilaw ng Panginoon.
 
Ang pamilya ang lubid na nagbubuklod sa sangkatauhan sa panahon at nagbibigkis sa mga salinlahi sa kasaysayan upang ang sangkatauhan ay lumago at dumami. Kapag ang lubid na nagbubuklod sa sangkatauhan ay napatid, at ang sangkatauhan ay nahiwalay sa kanyang kasaysayan, tayo ay magiging mga ligaw na salinlahi na walang kasaysayan o pagkakilanlan. Ang pamilya ay ang nagbibigay sa mga tao ng pagkakilanlan bilang tao at nagtatatak ng larawan ng Diyos sa kanila. Ang pamilya ang nag-iingat ng ala-ala ng sangkatauhan; ang sangkatauhang walang pamilya ay sangkatauhang walang ala-ala. Ang taong walang ala-ala ay paikot-ikot lang, at ang sangkatauhang walang ala-ala ay hihinto sa kasaysayan at mamamatay.
 
Ang pamilya ang batayan ng plano ng Panginoon. Ang mga kampon ng kasamaan ay nakatuon sa pagwasak sa pamilya dahil alam nilang sa pagwasak sa pamilya, mayayanig ang pundasyon ng plano ng Diyos. Ang pakikidigma ng Masama laban sa Panginoon ay ang pakikidigma niya laban sa pamilya, at ang pakikidigma ng Masama laban sa pamilya ang buod ng kanyang pakikidigma laban sa Panginoon. Dahil ang pamilya ang larawan ng Diyos, sa simula pa lamang ng paglikha sa sansinukob, ang Masama ay nakatuon nang was akin ang pamilya, ang pundasyon ng plano ng Diyos.
 
Ang pamilya ang lugar kung saan nakikipagtalastasan siya sa Diyos at sa kanyang mga kapati sa sangkatauhan. Kung walang pamilya, ang pakikipagtalastasang ito ay mawawasak at walang anumang makababawi nito, at kung subukan ng tao na muling maki-ugnay gamit lamang ang kasangkapan ng tao, magiging marupok, mahina, at baluktot ito, at ang sangkatauhan ay magkakasakit at magiging baluktot – kumikilos patungo sa dahan-dahang kamatayan.
 
Pangalagaan ang inyong mga pamilya at ilayo sila sa mga pakana ni Satanas sa pamamagitan ng pagpapanatili ng presensya ng Diyos sa kanila. Ipagtanggol at panatiliin sila sa pamamagitan ng panalangin at pakikipag-usap, sa pamamagitan ng pagkakaunawaan at pagpapatawad, sa pamamagitan ng pagsasabi ng katotohanan at katapatan, at higit sa lahat, sa pamamagitan ng pakikinig. Makinig sa bawat isa sa pamamagitan ng inyong mga tainga, mata, puso, bibig, at mga palad ng kamay, at ilayo sa ninyo ang umuungol na ingay ng mundo sa inyong mga pamilya, dahil ito ay parang rumaragasang bagyo at mga malalaking alon; kapag nakapasok ito sa tahanan, tatangayin lahat at ikakalat ang lahat. Panatiliin ang alab ng pamilya, dahil ang alab ng mundo ay hindi makapapantay dito.

Ikalabing-Limang Karanasan: Ang Paggalaw At Ang Buhay

7/11/2024

 
Picture
​May malaking kaibahan ang paggalaw at ang buhay. Maaaring ang isang tao ay gumagalaw habang wala nang buhay; at maaari ding may buhay siya subalit hindi kumikilos. Ang tao ay kapwa paggalaw at buhay. Ang sansinukob kasama ang marami nitong galaxy, bituin, at mga nilikha ay puno ng paggalaw subalit wala isa sa kanila ang may buhay. Ang buhay ay sa Diyos na Manlilikha lamang. Ang Diyos ay buhay.
 
Bawat paggalaw sa sansinukob ay hahantong sa kamatayan, subalit ang buhay ay walang hanggan. Bawat paggalaw ay may katapusan gaano man ito kadakila, subalit ang buhay ay walang katapusan. Ang buhay ay walang hanggan dahil ang buhay ay Diyos, at ang Diyos ay walang hanggan. Ang paggalaw ay lilipas subalit ang buhay ay hindi. Taglay ng tao sa sarili ang paggalaw at buhay; ang paggalaw ay limitado ng espasyo at oras, subalit ang buhay ay hindi limitado ng oras o ng espasyo. Ang paggalaw ng tao ay hahantong sa kamatayan at may katapusan gaano man kahaba ito magtagal, subalit ang buhay na nasa tao ay walang hanggan.
 
Naparito si Kristo upang magbigay buhay sa atin, at upang pabanalin ang paggalaw natin. Nagbibigay si Kristo ng buhay na walang hanggan dahil Siya ang Anak ng Diyos at ang buhay ay mula sa Diyos. Kung wala si Kristo, ang paggalaw natin ay hahantong sa napipintong kamatayan; at kung wala si Kristo, wala tayong buhay na walang hanggan. Walang mapagpipilian sa gitna: kamatayan lang o buhay lang.
 
Pabanalin ang paggalaw na nasasaiyo sa pamamagitan ng buhay mula kay Hesukristo. Huwag maghangad na hindi mamatay sa mundong ito, sa oras ng sansinukob na ito, sa pamamagitan ng pagpapahaba ng paggalaw sa pagpapatuloy ng oras, sapagkat kahit ang oras ay nakatakdang mamatay at may katapusan. Ang walang kamatayan (imortalidad) ay sa buhay na walang hanggang lamang kay Hesukristo; walang hindi mamamatay at walang hanggang buhay sa oras natin sapagkat lahat ng oras ay hindi magtatagal at lilipas.

Ikalabing-Apat Na Karanasan: Nariyan Ang Kahinaan Mo Upang Mapagtagumpayan Mo

7/11/2024

 
Picture
​Lahat ng kandado ay may susi, at bawat pinto ay may kandado na mabubuksan lamang ng susi nito. Ang kamatayan ang nagsara ng pinto ng langit at ang kasalanan ang nagkandado nito. Ang krus ang susi na kumakalag sa kandado ng kasalanan, pumapawi ng kandado ng kamatayan, at nagbubukas ng pintuan ng langit. Ang Krus ang susi sa pintuan ng langit, wala nang iba.
 
Ang pintuan ng langit ay kung saan nagtatagpo ang langit at lupa, sa tuktok ng Golgota. Ang pintuang ito ay malinaw, nahahawakan, nakikita, at lahat ng taong may paningin ay makikita ito. Akala ng iba wala itong kandado at bukas sa sinumang magtutulak dito. Subalit kapag nilapitan mo ang pinto, makikita mong may kandado pala ito at mabubuksan lamang ng angkop na susi.
 
Hindi malalaman ang tunay na susi hanggang hindi ito nailalapat sa kandado. Iisa lamang ang tunay na susi: Ang Krus ni Kristo. Huwag nang magpagod sa paghahanap ng mgs susi maliban sa Krus upang buksan ang pintuan ng langit, at huwag magsayang ng oras na gumawa ng iba. Maraming mga tao ang nagsayang ng kanilang buhay sa paggawa ng kanilang sariling susi; humuhulma at pumupukpok ng susi na sumasalamin sa kanilang sariling disenyo, akala ang mga susig ito ang magbubukas ng pintuan sa kanila. Marami ang lumilibak sa Krus ni Kristo. Subalit sa pintuan ng langit, ang katotohanan ay mabubunyag, at ang ibang mga susi ay papalya.
 
Ang buong paglalakbay mo sa buhay ay tungo sa pintuang ito; sa dulo ng paglalakbay, hawak mo ang susi at makakapasok ka sa pintuan, o kaya tatayo ka doon dala ang mga susi na pinag-aksayahan mo ng iyong buhay, at na ngayon ay bumibigo at sumisiphayo sa iyo. Hawakan ng Krus ni Kristo, at hawak mo na din ang susi ng pintuan ng langit.
 
Hawakan ang Krus ni Kristo na may galak, determinasyon, at lakas-loob. Huwag makinig sa mga nanlilibak, huwag huminto at umiyak na palahaw, at huwag manghinayang kapag nabuwal ka kasama ng panghihinayang. Pag-iyak man o panghihinayang ay hindi makagagawa ng kasaysayan ng kaligtasan, at hindi din ang pagdagok sa dibdib at pagpalahaw ang magbubukas sa pintuan ng langit. Ang kasaysayan ng kaligtasan ay ginagawa sa pamamagitan ng mga luha ng tunay na pagsisisi. Isang luha ng pagsisisi ay makapagbubukas ng pintuan ng langit. Ang luha ng pagsisisi ay babagsak lamang sa pisngi ng isang matapang na mananampalataya.
 
Hawakan ang Krus ni Kristo at tahakin ang Kanyang mga yapak, at  tatabihan ka ng Mahal na Birhen tulad ng ginawa sa Kanya. Sa tuwing masusugatan, sabihin: “Kasama ng mga sugat ni Kristo!” Tuwing magdaranas ng sakit, sabihin: “Kasama ng pagpapakasakit Mo, O Hesus!” at sa tuwing ikaw at uusigin, lilibakin, at iinsultuhin, sabihin: “Para sa kaluwalhatian, O Panginoon.”
 
Ang Kahinaan mo ay nariyan upang mapagtagumpayan mo at hindi upang gawing palusot. Sa tuwing papasanin mo ang Krus ni Kristo, hindi ka mapapayuko ng sakit, hindi ka madudurog ng kapaguran, at maglalakad kang may katatagan, pagtitiis, at katahimikan. Pagdating mo sa pintuan, ang kagalakan ng iyong pagtawid sa bungad nito ay higit pa sa anumang sakit at pagkapagal mula sa iyong paglalakbay, at ang kaligayahan ng iyong pagdating ay higit pa sa pagdurusa sa iyong paglalakbay.
 
Ang landas mo tungong Golgota ay mahaba sa mundong ito, at ang Krus ni Kristo sa Silangan ang nasa balikat mo; marami kang mga kaaway sapagkat mga kaaway sila ng Krus. Huwag mo silang gawing mga kaaway. Kausapin lagi sila sa lengguahe ng Krus, kahit kaaway mo sila dahil dito. Ang mga susunod na mga buwan at taon ay magiging mahirap, mapait, at kasingbigat ng Krus.
 
Pagtiisan mo sila kasama ng malalim na panalangin mula sa pananampalataya, kasama ng pasensyang mula sa pag-asa, at kasama ng pagmamahal na mula sa Krus. Mapupuno ang mundo ng karahasan, masusugatan ang planeta ng mga patalim ng kamangmangan at pagkapoot; lahat ng mga tao sa paligid mo ay susuray dahil sa sakit, kakalat sa buong mundo ang ang takot na parang malakas na hangin, at ang kalungkutan naman sa puso ng lahat ng tao. Ang mga taong mangmang at napopoot ang pipigil ng kapalaran ng mga tao at magdadala sa kanila sa paghihirap at kamatayan sa pamamagitan ng bulag na pagkapoot, na tatawagin nilang katarungan, at sa pamamagitan ng madilim na kamangmangan, na tatawagin nilang pananampalataya. Pagkapoot at kamangmangan ang mananaig sa buong mundo. Subalit ikaw, manatiling matatag sa pananampalataya at pag-ibig.
 
Ang balat ng lupa ay mababago; ikaw, panatiliin mo ang mukha ni Kristo. Ang mga hangganan, pamayanan, at Sistema ng tao ay mapapawi at isusulat muli, at ang mga tao ay babagsak sa ilalim ng apoy at bakal. Gawin ang pag-ibig mo na walang hangganan, ang pamayanan mo ang Simbahan, ang batas mo, ang Mabuting Balita. Maging angkla kayo na gagabay sa mga barkong naliligaw sa malupit na dagat, at ang puso ninyo ay maging mga daungan ng kapayapaan para sa mga naliligaw, palaboy, at naghahanap ng tulong. Sa pamamagitan ng mga panalangin ninyo, hihingin ninyo ang awa, at uulan ang pagmamahal sa daigdig. Manalangin na ang matititas na puso ay lumambot, ang mga madilim na isip ay mabuksan, at ang mga kalamidad at sindak ay mabawasan. Huwag kayong matakot, sa bandang huli ang liwanag ni Kristo ang aangat, ang tanda ng Krus ang sisinag, at ang Simbahan ang magniningning ng liwanag.
 
Manatiling matataga sa pananampalataya kay Kristo at huwag matakot, at magtiwala sa Diyos ng Muling Pagkabuhay at buhay; ang kaluwalhatian Niya ay laging dumarating.

Ikalabing-Tatlong Karanasan: Ang Pag-Ibig Ang Ilaw Na Nagniningning

7/11/2024

 
Picture
​Ang pag-ibig ay hindi pagkahumaling sa kapwa dahil ang pag-ibig ay kalayaan at at pagkahumaling ay kaalipinan.
 
Ang Diyos ay kalayaan. Ang pag-ibig ay hindi isang emosyon ng tao; ang pag-ibig ay dakilang kapangyarihan ng sangnilikha at isang makalangit na kapangyarihan ng Pagkabuhay. Ang pag-ibig ay hindi isang udyok na nagmumula sa pisikal na pangdamdam; ito ay isang kapangyarihan ng buhay na dumadaloy mula sa espiritu. Ang pag-ibig ay hindi patay na kaugalian na nagbubuklod at nagdidikit sa atin; ito ay isang kapangyarihan ng patuloy na pagpapanibago. Pinapanibago at pinalalaya tayo ng pag-ibig. Ang pag-ibig ay hindi damdaming nakatuon sa isang takdang dako lamang; ang pag-ibig ay isang ilaw na nagniningning sa lahat ng dako.
 
Ang Diyos ay hindi isang emosyon. Ang Diyos ay hindi isang sentimyento. Ang Diyos ay hindi isang kaugalian at ang Diyos ay hindi paglalambing. Ang Diyos ay hindi isang kaisipan. Ang Diyos ay katotohanan, ang Diyos ay buhay, ang Diyos ay ang manlilikha at nagbibigay-buhay. Ang pag-ibig ay hindi nanghihingi ng halaga o bayad sa pagbibigay nito ng sarili. Ang pag-ibig ay laging hanggang sa dulo.
 
Ang pag-ibig na bumubukal mula sa isang tao ay may layunin na bumalik sa sinumang pinanggalingan nito. Kapag ang tao ay nagmahal mula sa kanyang sariling kapangyarihan, ang pagmamahal na ito ay naglilingkod lamang sa kanyang sarili, anuman ang anyo ng kanyang pagmamahal o ang lakas nito. Ang pag-ibig ay nagmumula sa Diyos, at ibinibigay sa tao ng Diyos, ang pakay nito ay ang kapwa.
 
Kung ang pag-ibig mo ay mula sa Diyos, ito ay maglilingkod sa iyong kapatid. Kung ito ay mula sa iyo, ikaw lamang ang paglilingkuran nito. Ang taong ang pag-ibig ay mula lamang sa kanyang sarili, ay nagmamahal lamang sa sarili niya sa iba, at akala ay minamahal sila. Huwag maguluhan kung ano ang pag-ibig at pagnanasa, pag-ibig at sentimyento, pag-ibig at kaugalian, o pag-ibig at pagkahumaling sa kapwa.

Ikalabing-Dalawang Karanasan:  Si Kristo Ang Pundasyon Ng Giusali

7/11/2024

 
Picture
​Kapag nagdidilim na ang lampara, nilalagyan na ito muli ng langis. Ngayon ang lampara ay pumapanglaw, ang ilaw ay lumilipas, at ang kadiliman ay sobrang dilim. Punuin ang lampara ng langis bago ito tuluyang mamatay at mapalibutan ka ng kadiliman.
 
Asikasuhin ang langis ng lampara, sa tulong na Liwanag na nagpapagising sa iyo. Asikasuhin ang lamparang nagpapaliwanag sa iyong mga gabi. Bantayan ang lamparang nagbabantay sa iyo. Ang lampara mo ay namamanglaw, at ang ilaw ng iyong tahanan ay nagdidilim. Binabalot ka nito, nakatingin sa harapan, binabalewala ang ilaw na tumatanglaw sa iyong kadiliman.
 
Liwanagan ang kadiliman sa tulong ng lampara mo habang gabi; huwag matulog sa kadiliman habang naghihintay ng liwanag ng araw na sisikat. Kapag sumikat ang liwanag ng araw, magsisimula ang isa nan namang gawain, at tatanungin ka tungkol sa gawain sa nakaraang gabi. Kapag ang liwanag ng ilaw mo ay nagdimdim dahil kulang sa langis, punuin ito, huwag manatili sa ilalim ng liwanag ng kapatid mo at pabayaang mamatay ang iyong lampara. Tatanungin ka tungkol sa sarili mong lampara, na ikaw lamang ang may pananagutang mangalaga. Hayaan ang liwanag na umilaw sa lahat ng lampara hanggang sumikat ang umaga. Puno ng langis ang lampara; hindi ito puno ng mga kahilingan o pinabayaang magkatubig. Alagaan ang liwanag ng iyong lampara bago magtrabaho at bago simulang gumawa.
 
Suriin muli ang iyong mga pinahahalagahan. Baligtad ang hagdanan mo. Ang maliit na baytang ay nasa ilalim at ang malaki naman ay nasa itaas. Tingnan mo kung paano matayo ang gusali ng marunong na manggagawa; ang pinakamalaking bato sa ilalim at ang pinakamaliit sa itaas. Maraming tao ngayon ang nagbubuo ng kanilang bakod pabaligtad; hindi na nila alam ang malaki sa maliit, ang una sa huli, at ang pinaka-hindi importante sa pinaka-importante. Ang bakod na may pinakamaliit na bato sa ibaba at pinakamalaki naman sa itaas ay guguho, at ang gusali ay babagsak. Marami ang mga bakod na bumabagsak, at ang pagkakadikit ay nasisira dahil sa kamangmangan ng mga manggagawa at sa kahambugan ng mga tagapagtayo.
 
Ikaw, itayo ang gusali na may karunungan. Magbuo ng pundasyon kay Kristo, ang mahalagang bato para sa lahat mong mga gusali na nagtataguyod sa iyong mga landas. Ilagay ang mga malalaking bato sa pundasyon at ang mga maliliit naman sa itaas; at kung sa isang pader ng iyong gusali may makita kang malaking batong nasa itaas at isang maliit na batong nasa pundasyon, sirain ang buo mong pader at magbuo nang panibago. Kahit gaano kalaki o kataas ang iyong gusali, mas mabuti na magbuo muli mula sa pundasyon kesa hayaan itong bumagsak, gumuho at madaganan ang ulo mo, o ang ulo ng mga kapatid o mga anak mo.
 
Makakatiyak kang kung hindi si Kristo ang pundasyon ng bawat gusali, guguho ito. Huwag masilaw ng mataas na istrukturang gawa ng tao, dahil guguho ito kahit pa gaano ito kataas, at malilimutan ito ng panahon. Kung nagawa mo na ang iyong gusali at natuklasan pa na hindi ito natatag kay Kristo, was akin at buuin ulit ito. Ang landas na itinatag kay Kristo ay mas mainam kaysa mataas na tore na ibabagsak ng malakas na hangin. Si Kristo ang pundasyon ng gusali ng Panginoon; kayo ang mga buhay na bato; at ang Espiritu Santo ang panulukang bato. Si Kristo ang nagdadala ng buong gusali, at ang Espiritu ang nagtitipon ng lahat ng mga bato ng haligi at nagtutukod sa mga pader. Ang Espiritu ang espiritu ng pag-ibig. Pag-ibig ang batong-sandigan. Kapag inalis mo ang Espiritu, inalis mo ang batong-sandigan; ang haligi ay makakalas, ang mga bato ay maghihiwalay at ang buong gusali ay guguho.
 
Ang Espiritu Santo, ang espiritu ng pag-ibig, ay ang sandigang-bato na nagtatago ng tipan. Bawat bata sa gusali ay may kanya-kanyang lugar; bawat bato sa itaas ay suportado ng mga bato sa ibaba, at suportado ng mga bato sa gilid, na tinutukuran din nito. Sa ibabaw nito, ang mga bato na tinutukuran. Bawat bato ay tapyas para magkasya. Ang batong nawawala sa gusali ay hindi lang nag-iiwan ng puwang sa lugar nito, kundi nagtatawag ng ulan, hangin, alikabok, at malakas na hangin din. Huwag mag-iwan puwang sa pagitan ng isang bato at ng isa pa, dahil pahihinain nito ang gusali. Huwag mag-iwan ng buhangin sa pagitan ng mga bato, dahil pag lumakas ang ulan at namuo ang yelo, lulusot ang buhangin at babagsak ang gusali. Ang kapangyarihan ng Espiritu ang pumipigil sa mga bato ng gusali at hindi ang buhangin, na siyang nagdidikit sa kanila.
 
Manatiling matatag sa gusali ng Panginoon. Magsumikap na magbuo ng kaharian at maging mga batong buhay sa templo ng Panginoon. Ang batong wala sa templo ng Panginoon ay nananatiling bato sa umpukan ng mga bato, may bigat pero walang hugis, lugar o gampanin, isa lamang batong itinapon sa umpukan ng mga bato.
 
Isuko ang sarili sa mga kamay ng Panginoon, ang marunong na tagapagtayo. Pabayaan Siyang pakinisin at ukitin ka, pabayaan Siyang alisin ang sobra sa iyo at buuin ang kulang, pabayaan ang Panginoon na bigyan ka ng hugis, laki, at lugar. Kahit nakatakda ka pang maging malaki o maliit na bato, may lugar ka at inukit upang magkasya.
 
Pabayaang ang Panginoon na buuin ka at magkakaroon ka ng lugar sa iyong landas. Huwag mong ilagay ang sarili sa lugar na umaakit sa iyo. Kung pupuwesto ka sa lugar na mas malaki para sa iyo, magiging nakausli ka at maghihiwalay ang buong pader. Kung pupuwesto ka sa mas maliit para sa iyo, magkakaroon ng puwang sa paligid mo. Punuin ang lugar mo, suportahan ang nasa ibabaw mo, ang nasa paligid mo, at sumandal sa nagdadala sa iyo. Si Kristo ang nagdadala ng lahat ang Espiritu ang nagbibigkis at gumagabay sa iyo.

Ika-Labing-Isang Karanasan: Ang Iyong Kinabukasan Ang Unang Araw Ng Darating Na Daigdig

7/11/2024

 
Picture
​Pagmasdan mo kung paano maingat na gumagawa ng mga pugad ang mga ibon sa himpapawid, nangingitlog, at buong lambing na binabantayan ang mga inakay hanggang magka-pakpak at makalipag, at pangalagaan ang mga puno ng Panginoon. Nagbubuo kayo ng mga pugad, nangingitlog at nagpipisa ng mga supling sa mga punong bulok ang mga ugat. Kinakain ng mga kagaw ang katawan ng mga puno at ang mga gamu-gamo naman ang kumakain sa kanilang mga sanga. Kapag natumba ang puno, kakalat ang iyong pugad, magkakahiwa-hiwalay ang iyong mga inakay, at matitira lang sa iyo ang mga sanga kung saan ka dadapo. Nagpapagod at nagpapagal kayong magbuo ng mga matibay at mainit na mga pugad kung saan lalaki ang inyong mga supling, magkaka-pakpak at lilipag at tuluyang magkakapugad ng sarili nila.
 
Pangalagaan ang puno gaya ng pag-aalaga sa mga pugad. Kung paanong ipinagkatiwala sa inyo ang inyong mga pugad, gayundin ipinagkatiwala din sa inyo ang inyong mga puno. Pangalagaan ang mga ugat, pangalagaan ang mga katawan ng puno, pangalagaan ang mga sanga at pangalagaan ang mga dahon. Ilang pirasong dayami at ilang butil ng lupa lamang ay magiging sapat na para magbuo kayo ng inyong mga pugad; kakanlungan kayo ng mga sanga ng puno at magbibigay lilim sa inyo ang mga dahon. Huwag magtago sa inyong mga pugad at itaas ang mga gilid nito upang magbigay ng seguridad sa inyo; magtrabahong may tiwala sa Panginoon, at ang Panginoon ang magbibigay seguridad sa inyo.
 
Habang nagmamadali kayong tiyakin ang inyong kinabukasan at ang sa inyong mga anak, laging tandaang ang inyong kinabukasan ay hindi ang katapusan ng inyong mga araw sa mundong ito, kundi ang unang araw sa darating na daigdig. Tinitiyak ninyo ang kinabukasan ng inyong mga anak kapag tinitiyak ninyo ang langit para sa kanila. Ang mga anak ninyo ay para sa inyo upang bigyan sila ng buhay, at walang ibang buhay maliban kay Kristo. Ibigay ninyo si Kristo sa inyong mga anak, subalit kung wala sa inyo si Kristo, mahihirapan kayong ibigay Siya sa inyong mga anak.
 
Kung hindi ninyo pababanalin ang sarili, paano ninyo pababanalin ang inyong mga anak? Kung wala si Kristo sa inyo, paano ninyo Siya ibibigay sa inyong mga anak? Kung hindi ninyo ibibigay si Kristo sa kanila, anumang ibibigay ninyo sa kanila ay walang silbi at lumilipas. Maglalaho at titigil ito sa kanila. Hindi mga matatayog na gusali at mga kasiguraduhan ng mundong ito ang nagbibigay sa inyong mga anak ng katiyakan at ng kinabukasan. Bigyan ninyo sila ng kabanalan at mga panalangin, at matitiyak ninyo ang kanilang kaligtasan sa mundong ito at ang kanilang kinabukasan sa darating.
 
Hinahanap ninyo ang inyong tagumpay at ang tagumpay sa buhay ng inyong mga anak, samantalang ang tagumpay sa buhay ay ang tumayo sa harap ng Diyos na walang pagkapahiya.
 
Asikasuhin ninyo ang mga ugat, alagaan ang mga ito, at huwag magsawalang-bahala. Ang pagbungkal sa mga ugat ay tago, hindi nakikita, at nangangailangan ng pagsisikap at paglimot sa sarili. Nakikita ng mga tao ang puno, subalit hindi ang mga ugat o ang inyong paggawa, subalit nakikita at binabasbasan ito ng Diyos na nasa langit. Alagaan ang mga ugat, bantayan ang katawan ng puno, ingatan ang mga sanga, pangalagaan ang mga dahon, at panatiliin ang puno; ang Diyos ang mag-iingat sa inyong mga gawain. Masdan ang puno – na yumayakap, nagbibigay lilim, at nagpapabahay sa inyo – mula sa mga ugat hanggang sa dulo ng mga sanga nito, maging anupaman ang sukat ng inyong mga pugad.
 
Parehong panahon lang ang lumilipas para sa mabuti at sa masama, at kung ang mga mabubuti ay hindi pupunuan ng kabutihan ang panahon, ang mga masasama ang magpupuno dito ng kasamaan, at ang panahon ay magiging walang laman. Bawat sandali ng iyong buhay ay isang buslo na nakalagay sa harapan ninyo upang punuan mula sa inyong ani, sa inyong gapas, at sa inyong mga pananim. Nananatili ito sa harap ninyo nang isang saglit, at pagkatapos ay maglalaho at lilipas at hindi na maibabalik pa. Kung titigil kayo at lilingon at magmamasid sa mga busong walang laman, tanging ang mga luha ng inyong pagsisisi, sa awa ng Diyos, ang pupuno nito mula sa biyaya ng Diyos. Sapat na sa inyo ang biyaya ng Diyos; at ang bawat sandali ay isang patak ng walang hanggan kung pupunuan ninyo ito ng Diyos. Huwag pabayaang agawin ng mundo ang mga buso ng iyong buhay, dahil ang mga buslo ay magiging walang laman, at mag-iiwan lang kayo ng mga tumpok ng dayami na masusunog at na walang matitira.
 
Huwag makipag-diyalogo sa Demonyo. Tapusin ang pakikipag-usap sa kanya bago pa mabigkas ang unang salita at laging panatiliin ang inyong diyalogo sa Diyos. Ayusin ang inyong bubong matapos ang bawat ulan, dahil kung pababayaan ang ganitong gawain, darating ang matinding mga daluyong, baha, at niyebe, papasok ang tubig sa mga balangkas, at ang kisame ay babagsak sa ulo ninyo at ng inyong pamilya.
 
Gaano man nakalulugod ang tukso, hindi sapat upang magkasala. Punuin ang inyong buhay mula sa pag-ibig ng Diyos at pabanalin ang panahong kinapapalooban ninyo, at ang inyong ani ay magiging kapaki-pakinabang at ang inyong mga tinipon ay magtatagal. Tanging ang Diyos lamang, na Siyang Panginoon ng panahon, ang makapupuno sa panahon. Tanging ang Panginoon ng ani at ng mga pananim ang makapupuno sa inyong mga buslo. Ialay ninyo sa Kanya ang inyong mga buslo, at sasagana ang inyong mga pananim.

Ika-Sampung Karanasan: Tahakin Ang Landas Ng Kabanalan Sa Galak Ng Pagkabuhay

7/11/2024

 
Picture
Naglalakad ka sa mga landas ng iyong buhay na bitbit ang maraming pabigat, pasanin at alalahanin, dala ang mga banga, ang iba ay kinakailangan, at ang iba, walang silbi.
 
Ipinamudmod mo ang iyong mga kayamanan sa iyong mga banga, hinahalo ang mga kayamanan sa hindi mahahalaga hanggang hindi mo na alam kung anong banga ang naglalaman ng iyong kayamanan. Ang ibang banga ay nahuhulog at nababasag, at ang mga kayamanan ay nawawala, at hindi mo nakikita o nalalaman dahil sa ingay ng iyong mga banga. Ang iba ay nagsasayang ng kanilang mga kayamanan sa mga landas ng kanilang buhay at dumarating na pagod dala ang mga paso. Bawat banga na dala-dala mo na hindi naglalaman ng iyong kayamanan ay mapupuno ng mga pagka-abala at sobrang timbang na makahahadlang sa iyong paglalakbay at papagod sa iyo.
 
Ibaba mo ang mga banga ng kapaguran na ibinabato sa iyo ng mundo, kahit pa malayo mo na itong nabitbit, pinagpaguran mo na, pinagmasakitan mo na at siguro ay naging sanay ka pa sa mga ito. Alamin kung nasaan ang iyong kayamanan, at ilagay ang buong puso mo dito. Ilagay ang buo mong kayamanan sa isang banga at dalhin mo ito nang mabuti. Sa gayon, maaalagaan mo ang iyong kayamanan at makakarating ka sa pupuntahan na puno ito.
 
Magdala ng isang banga, ang banga ni Kristo, at pupunuin Niya ito ng pagmamahal at dadalhin ito kasama mo. Kahit gaano kapuno ito, kaya pa nitong magdagdag ng laman; at kahit gaano pa ito kabigat, mananatili itong magaan. Ang mga natitirang banga ay gawa sa putik lamang, at kahit walang laman, mabibigat ang mga ito at nakakakuba. Piliin ang mga kilos mo sa mundong ito, huwag hayaang ang mga landas ng mundo ang pumili sa iyo, at huwag dalhin ang mga banga ng mundong ito, na nagpapahirap, nakaka-abala at nakakapagod sa iyo.
 
Lalo mong dinadagdagan ang iyong mga banga, lalong inilalayo mo ang sarili sa iyong kapwa. Bawat banga ay kailangan ng puwang, at habang dumadami ang bilang ng iyong mga banga, lalo kang lumalayo sa iyong kapatid upang huwag magbanggaan ang mga banga at mabasag. Nagiging mas mahalaga ang mga banga kaysa sa iyong kapatid. Upang pangalagaan ang mga banga, nawawala naman ang iyong kapatid at kapwa.
 
Alamin mong ang kayamanan mo ay nakapahalaga, subalit bitbit mo ito sa sisidlang putik. Bawat kapatid mo ay may napakahalagang kayamanan, na dala din niya sa isang bangang putik. Ginagawa mo ang iyong banga sa pamamagitan ng iyong mga kamay at namamaluktot ka sa loob nito. Nakaupo ka sa loob ng banga at sinasabi mong ang mundo ay putik; sinumang nakaupo sa loob ng banga ay makikitang ang buong mundo ay putik. Lumabas ka sa banga at makikita mo kung ano talaga ang mundo ito at hindi tulad ng pormang naisip mo sa loob ng banga. Bayaan ang bawat isa na punuin ang kanyang banga mula sa kayamanan ni Kristo sapagkat Siya lamang ang tunay na kayamanan.
 
Upang maunawaan mo ang iyong kapatid, huwag pumunta sa kanya sa pamamagitan ng sistemang intelektuwal likha ng iyong isip. Pumunta sa kanya na may pagmamahal mula sa Espiritu ng Manlilikha, na inilagay Niya sa iyong puso.
 
Maging puno ng mga binhi ng trigo sa giikan ng Panginoon. Samakatuwid, kapag tinarabaho ka na at inihagis pataas ng mang-gigiik upang linisin ka, magiging mabigat ka at babagsak ka sa giikan upang matipon sa mga kamalig ng buhay. Huwag maging magaan, binhing walang laman tulad ng dayaming tinatangay ng hangin, na magkakalayu-layo sa labas ng giikan at kakalat doon. Magtiwala kang walang makapupuno sa iyo at makapagbibigay ng bigat maliban kay Kristo.
 
Punuin mo ang sarili kay Kristo at mananatili ka sa giikan at matitipon doon, at habang nasa giikan ka, tatahipan ka ng tinidor pang-tahip, at liliparin ang mga dayami at ipa. Sa giikan bawat butil ng trigo ay mananatiling mag-isa kahit pa ito ay natipon, natimbang, at naisupot na kasama ng ibang mga butil, ang mga kapatid nito.
 
Ang gilingang bato, ang tubig at ang apoy ang gagawa sa mga butil ng trigo na maging isang galapong at isang tinapay. Mula sa bukid hanggang sa tinapay ang paglalakbay ay mahaba: ipagdasal ang karit na aani sa iyo, sa giikan na gigiik sa iyo, sa giikan na titipon sa iyo, sa pangtahip na magpipino sa iyo, sa batong gilingan na gigiling sa iyo, sa tubig na magmamasa sa iyo, at sa apoy na magluluto sa iyo. Ang daan ng kabanalan ay mula sa bukid hanggang sa tinapay, mula sa lupa hanggang sa Liwanag, mula sa sabsaban hanggang sa Krus at Pagkabuhay: lakarin ito sa galak ng Pagkabuhay.

Ikasiyam Na Karanasan: Ang Taluhog (Axis) Ng Sansinukob

7/11/2024

 
Picture
​Ang buong sansinukob ay umiikot sa hiwaga ng Krus. Bawat tao ay nag-iisip na ang sansinukob ay umiikot sa kanya at na siya ang taluhog (axis) ng sansinukob.
 
Ang Krus ang taluhog ng sansinukob, at sinumang nais maging taluhog ng sansinukob ay dapat makasama ng Siyang Nakapako sa Krus. Ang hindi nabubuhay sa hiwaga ng Krus ay hindi makauunawa sa hiwaga ng sansinukob: Bawat isa ay may anyo at pag-iral sa panahon at lugar, tulad ng isang pirasong yelo, at upang manatili ang kanilang pag-iral, ang mga tao ay takot lumapit sa apoy para hindi matunaw. Ano ang gamit ng yelo kung mananatili ang anyo nito? Kung hindi matutunaw at magiging tubig, hindi ito tatagos sa lupa at magdidilig sa mga puno, at hindi makapapawi ng uhaw. Huwag matakot lumapit sa apoy na tutunaw sa iyo, dahil gagawin ka nitong nagbibigay-buhay na tubig na pandilig sa lupa. Hayaan mong ang pag-ibig mo ay maging tila lusaw na tumatagos sa lahat ng lugar; huwag manatiling matigas na yelo at bigyan ng anyo at disenyo ito dahil hindi ito makapapasok saanman.
 
Ang asin na hindi natutunaw ay hindi makapagpapalasa. Ang panis na asin ay nagpapadumi ng tubig na dapat nitong bigyang lasa at nakakapanis ito ng pagkain. Ang mabuting asin ay natutunaw sa tubig at walang ipinapakitang anyo, kulay, o pagkakilanlan, subalit nagdudulot ito ng lasa.
 
Ikaw ang asin ng mundo. Kung gagawin mong ang buhay mo ay pag-aari mo, magiging mumurahin ito. Habang ibinibigay mo ang iyong sarili, lalong nagkakahalaga ito, at kapag narating na ang sukdulang halaga, nagiging pag-aari ng lahat. Ang tinapay ay pareho lang, maging sa lamesa ng mayaman o mahirap. Ang masarap na tinapay ay hindi nagtatanong kung sino ang kakain dito paglabas sa urno; ang tinapay ay dapat kainin. Ang mabuting tao ay isang mabuting tinapay. Ang kasaysayan ng sangkatauhan ay hungkag kung wala ang krus dahil ito ay lumilipas na kasaysayan, samantalang ang krus ay matatag, hindi nagbabago. Ang sarili mong kasaysayan ay magiging hungkag kung wala ang Krus dahil ikaw ay lilipas, at tanging si Kristong Nakapako ang nagbibigay-buhay sa iyo at nagpapatibay sa iyo ng buhay na walang hanggan. Ang Krus ang siyang magpapabanal sa iyo sa tamang panahon.
 
Ang simula ng sangnilikha, ang kasalukuyang panahon, at ang katapusan ng daigdig ay nagaganap lahat, para sa Diyos, sa kasalukuyan. Pabanalin ang kasalukuyang sandali ng iyong buhay sa pamamagitan ng pag-ibig; at mauunawaan mo ang hiwaga ng buhay na walang hanggan sa presensya ng Diyos. Ang tao ay imortal sa pamamagitan ng pagmamahal ng Diyos. Pabanalin ang panahon, pabanalin ang buhay mo, pabanalin ang bawat sandali ng buhay mo. Huwag magpa-abala sa pag-ikot ng orasan. Hindi mo mapatitigil ang pag-ikot ng orasan, subalit kaya mong maging handa sa pagtunog ng orasan. Ang sinumang nag-aalis sa Diyos sa kanyang buhay, isip at puso ay dudurugin ng panahon at malulunod sa kamatayan. Hindi nangangahulugan ito na wala na ang Diyos, kundi na ang taong ito ang nawawala na.
 
Kung paanong ibinubunyag ng liwanag sa mga mata ang mga umiiral, si Kristo ay nagbubunyag sa isip at puso ng pag-iral. Kung walang ilaw, ang mga mata ay bulag sa umiiral, at kung wala si Kristo, ang tao ay bulag sa pag-iral. Nilikha ng Diyos ang mga bagay at nilagyan ng kaayusan. Nilikha din niya ang isip at itinanim ang espiritu at binigyan ng buhay. Kung paanong sa pamamagitan ng rason at pagsuri, nauunawaan ng isip ang kaayusan at nauunawaan ang mga bagay, gayundin naman sa pamamagitan ng pananampalataya, panalangin, at tunay na pagsamba, ang espiritu ay nagbubunyag ng pagmamahal ng Diyos at ng hiwaga ng sansinukob, at nagbibigay buhay.
 
Ang ibang bulaklak ay pinipitas sa tagsibol para maging palamuti, ang ibang bulaklak ay tumatanda at iniiwan hanggang sa taglagas para sa binhi, samantalang ang iba pa ay hinahayaang ikalat ng hangin ang mga talulot upang dalhin sa malayo at punuin ang mundo ng kanilang bango.
 
Sa lahat ng sandali, may karunungan ang Diyos. Manalanging maunawaan ang karunungan ng Diyos at isabuhay ang Kanyang kalooban, at hindi ang baguhin ang Kanyang kalooban. Ang kalooban ng Ama mo ay laging kabutihan mo. Laging taglayin ang bango ng roble (oak) at tim (thyme), at huwag kunin ang mga kulay ng mundong ito at mapuno ng kanilang mga amoy. Ang mga haplos ng mga daliri ng Diyos sa iyo ay mas mahalaga kaysa anumang ibihis ng mundo sa iyo. Maglakad nang matatag sa landas ng kabanalan, at hayaan si Kristong mabuhay sa loob mo. Gayon, mabubuhay ka sa puso ng hiwaga ng sansinukob, sa pinagmumulan ng liwanag.

Ikawalong Karanasan: Ang Kabanalan Ang Iyong Pakay

7/11/2024

 
Picture
​Ang kabanalan ang iyong pakay, at ang kaganapan sa pag-ibig ang iyong huling hantungan. Huwag kang tumigil sa mga paraan ng kabanalan at sambahin ang mga ito. Huwag gawing hantungan ang mga paraan lamang, o ang hantungan ay gawing isang paraan.
 
Huwag gawin ang mga paraan ng kabanalan na siyang pakay at hantungan, at huwag pabayaang ang kabanalan ay maging paraan lamang para sa ibang mga hantungan. Ang panalangin ay nariyan upang pabanalin ka; huwag pabanalin ang panalangin.
 
Ang pag-aayuno ay nariyan upang palakasin ka; huwag gawing diyos ang pag-aayuno. Ang sakripisyo ay nariyan upang padalisayin ka, huwag sambahin ang sakripisyo. Ang mga awitin ay nariyan upang luwalhatiin ang Diyos; huwag luwalhatiin ang mga awitin. Huwag palitan si Kristo ng pagsasalita tungkol sa Kanya, dahil sasambahin mo lang ang iyong mga salita, at papalitan ang Katotohanan ng mga katagang naghahayag dito, kaya ang mga katagang ito ang magiging katotohanan. Ang isang salita ay hindi kailanman mas mahalaga kaysa sa kaisipang ipinapahayag nito, at ang kaisipan ay hindi kailanman mas mahalaga sa katotohanang iniisip nito. Ang kaha de yero ay hindi kailanman mas mahalaga kaysa sa kayamanan sa loob nito, at ang kalis ay hindi kailanman mas mahalaga kaysa sa alak. Ang tabernaukulo ay hindi kailanman mas mahalaga kaysa tinapay, at ang ostensorio (monstrance) ay hindi kailanman mas mahalaga kaysa Ostia.
 
Ang Kristiyanismo ay hindi relihyon o templo; hindi ito aklat o lugar ng pagsamba. Ang Kristiyanismo ay ang katauhan ni Hesukristo mismo. Ang salamin na nagbabalik ng liwanag ay hindi ang liwanag. Kilalanin ang kaibahan ng liwanag at ng mga salamin.
 
Huwag ituon ang pansin sa salamin, kundi ibaling ang puso sa liwanag. Huwag tumakas sa sarili upang tumungo sa Diyos, at huwag tumungo sa Diyos para makatakas sa sarili. Nais ng Diyos na dalhin mo ang sarili mo sa Kanya kung sino ka upang maitaas at mapabanal ka Niya. Huwag pabayaang itulak ka ng mundo tungo sa Diyos, kundi hayaan mong ang Diyos ang humatak sa iyo patungo sa Kanya. Huwag dungisan ng mga sulat mo ang mga puting pahina na sinulatan ng mga banal na ama. Ang katotohanan ay laging pareho. Upang makapagsalita ka tungkol sa Diyos, dapat kang maging nasa puso ng Diyos; hindi ka makapagsasalita tungkol sa Diyos kung nasa labas ka Niya! “At ang Salita ay nagkatawang-tao” ay hindi tunog na lumilipad sa hangin. Iukit sa utak mo ang bawat salitang nais mong sabihin, iukit sa iyong espiritu at pakinisin sa iyong puso, dalhin pababa sa iyong bibig tulad ng paglalagay ng isang bato sa tamang lugar sa hanay. At gawin ito nang walang salitang hindi nagbubuo. Huwag magsalita malibang ang mga salita mo ay malalim at mas magaling kaysa iyong katahimikan.
 
Huwag bayaang ang mga salita mo tungkol sa nasa ibayo ng dagat ay makaabala sa iyo sa paglalayag. Pumunta sa kakanyahan (essence) at kilatisin ang kakanyahan at ang kababawan sa iyong buhay, ang pundamental at ang nasa gilid lang, ang nasa loob at ang nasa takip lamang. Sa mundong ito, hindi ka nagpupuno ng tubig sa basket, ng mga ubas sa pitsel o ng mga igos sa garapon: kung paano mo ginagamit ang mga bagay ng mundong ito para sa iyong paglilingkod, matutunan paano gamitin ang mga bagay ng langit na may karunungang mula sa Diyos para sa iyong kaligtasan, at para sa kaluwalhatian ng Diyos.
 
Bawat lupain ay may sariling taglay na klima at lupa. May mga karampatang kasangkapan na gagamitin mo upang bungkalin at taniman ang nasabing lupain. May mga halamang tanging dito lang sa lupaing ito tutubo at mamumunga. Hindi mo kayang basagin ang mga bato ng tinidor na pang-hardin, o bungkalin ang lupa na gamit ang maso, o magsibak ng kahoy na damit ang munting palakol. Ang mga punong sedro at roble (oak) ay hindi tumutubo sa buhangin sa dalampasigan, at ang mga saging at kahel ay hindi din sa mga bato sa bundok. Magtrabaho gamit ang mga kasangkapang meron ka, at kung saan ka itinanim ng Panginoon, lumago at mamunga. Kung hindi ka mag-uugat, hindi ka aakyat sa itaas.
 
Ilapat mo ang isip mo sa pag-iral (existence); huwag hanaping ilapat ang pag-iral sa iyong isip; nauna sa iyo ang pag-iral at mananatili ito pagkatapos mo. Ang Espiritu lang ang sapat para sa iyo at magdadala sa iyo ng pagkakatugma sa Diyos. Mauunawaan mo ang lalim ng hiwaga ng pag-iral sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu na sumasaiyo. Huwag sikaping maunawaan ang katotohanan sa pamamagitan ng mga pandama, dahil magiging limitado ka ng mga hangganan ng mga pandama.
 
Alamin mong ang mga pandama mo ay umiiral upang magmahal ka sa pamamagitan ng mga ito, at hindi upang mahalin mo ang mga ito. Kung mahal mo ang iyong mga mata, nagsisimula mong sambahin ang mga nilalang na iyong nakikita at kalimutan ang Manlilikha, na nasa ibayo ng hangganan ng iyong mga mata. Kung mahal mo ang iyong pandinig, nagsisimula mong mahalin ang mga himig at tunog ng mundo at kalimutang marinig ang tinig ng Diyos sa katahimikan na hindi marating ng iyong mga tainga. At kapag mahal mo ang iyong ilong, nagsisimula kang mahalina sa mga pabango ng mundo at kalimutan ang mga bulaklak sa parang na nilikha ng Diyos na may habag para sa tao. At kung mahal mo ang iyong pandama ng paghipo, nagiging alipin ka ng panlabas at nakakalimutan ang panloob. Lampasan ang iyong mga pandama at huwag malunod sa mga ito; gamitin ang mga ito upang marating ang katotohanan tulad ng sinag ng araw na dumadaan sa kristal.
 
Kapag pinatigas mo ang mga pandama mo, kakapal ang mga ito; ang mga sinag ay tatalbog pabalik mula sa kanila tulad ng salamin at maaaninag ang mga imahen ng mundo. Huwag malublob sa mga pandama mo, dahil ang kagalakan nila ang magsisimulang linlangin ka. Ang tunay na kagalakan ay hindi kagalakan ng mga pandama, tunay na kagalakan ay lumalampas sa mga pandama, at nilalalampasan nito ang mga ito tungo sa puso ng liwanag kung saan malulunod ka sa puso ng Diyos, makikita ang Kanyang liwanag at matutunaw sa Kanyang pagmamahal. Lampasan ang mga pandama mo at laktawan ang mga ito, lampasan ang sarili mo, at mahihipo mo ang laylayan ng liwanag. Kung nais mong tumingin sa labas, ipikit ang mga mata at tumingin sa loob, at magsisimula mong makita ang panlabas na mas malinaw. Kung gusto mong makarinig, takpan ang mga tainga at makinig sa panloob na tinig; at magsisimula kang makarinig nang mabuti. Gabayan ang iyong mga pandama upang luwalhatiin ang Diyos, at huwag hayaang ang mga pandama mo ay magdala sa iyong luwalhatiin ang Kanyang mga nilalang. Magmahal hanggang sa punto ng sakripisyo; ang dugo ang tanging kaugnayan kung saan nakasulat ang pag-ibig, at lahat ng iba ay tanging tinta lang sa papel. Kay Kristo, bawat tao ay isang salita sa bibig ng Diyos kaya ang buong sangkatauhan ay nagiging isang awit ng pagmamahal; at ang luwalhati ay laging sa Diyos.
<<Previous

    Mga Karanasan

    Ang Karanasan Ni Raymond Nader Kay San Sharbel
    Unang Karanasan
    Ikalawang Karanasan
    ​Ikatlong Karanasan
    Ika-Apat Na Karanasan
    ​Ikalimang Karanasan
    Ika-Anim Na Karanasan
    Ikapitong Karanasan
    Ikawalong Karanasan
    Ikasiyam Na Karanasan
    Ika-Sampung Karanasan
    ​Ika-Labing-Isang Karanasan
    ​Ikalabing-Dalawang
    Karanasan

    ​Ikalabing-Tatlong Karanasan
    ​Ikalabing-Apat Na Karanasan
    Ikalabing-Limang Karanasan
    Ikalabing-Anim Na Karanasan
    ​Mga Sipi Mula Sa Nalalabing Lima Pang Mensahe

Pamilya ni San Sharbel USA
​9340 Braymore Circle, Fairfax Station, VA 22039
  • San Sharbel
    • Talambuhay
    • Mga Himala
    • Mga Patotoo >
      • ​Patotoo Ni Maria G. Foley
      • Patotoo Ni Olivier Giroud-Fliegner
      • Patotoo Ni Georgette Larose
      • Himala Ng Pagpapagaling Kay Margaret Bieser
      • Himala Ng Pagpapagaling Kay Homer Wiggins
      • Ang Himalang Pagpapagaling Kay George Pospisil
    • Mga Panalangin
  • Mga Karanasan
  • Tungkol sa Amin
    • Paliwanag sa Logo
  • Mag-donate
  • Mga wika1
    • English
    • Español
    • Português