The Family of Saint Sharbel-Philippines
  • San Sharbel
    • Talambuhay
    • Mga Himala
    • Mga Patotoo >
      • ​Patotoo Ni Maria G. Foley
      • Patotoo Ni Olivier Giroud-Fliegner
      • Patotoo Ni Georgette Larose
      • Himala Ng Pagpapagaling Kay Margaret Bieser
      • Himala Ng Pagpapagaling Kay Homer Wiggins
      • Ang Himalang Pagpapagaling Kay George Pospisil
    • Mga Panalangin
  • Mga Karanasan
  • Tungkol sa Amin
    • Paliwanag sa Logo
  • Mag-donate
  • Mga wika1
    • English
    • Español
    • Português

Ang Karanasan Ni Raymond Nader Kay San Sharbel

7/11/2024

 
Picture
​Si Raymond Francis Nader ay isang Maronite Catholic Christian na isinilang noong 1961; may-asawa siya at tatlong anak. Nagtapos siya ng kursong Electro-Mechanical Engineering mula sa Saint Joseph University sa Beirut. Sa London, nagpakadalubhasa siya sa nuclear physics at nagtrabaho sa larangan ng mga advanced technology.
 
Mula pagkabata, namangha na siya sa kasaysayan ng sangnilikha (creation) at ng sansinukob (universe).
 
Noong digmaan sa Lebanon (1975-1990), bumalik si Raymond sa Lebanon upang makapiling ang mga magulang at mga kababayan niya. Nagpalista siya sa Lebanese Christian Forces ang nakiisa sa iba’t-ibang mga digmaan sa pagtatanggol ng pamayanang Kristiyano. Tumaas ang kanyang rangko at naging Commander ng paaralan ng mga opisyal.
 
Nang matapos ang digmaan, nagbalik siya sa buhay sibilyan at nagtrabaho bilang CEO ng isang kompanyang Swedish sa Beirut.
 
Mula 1985, nakaugalian na niyang magdasal at dumalo sa spiritual retreat kung saan nagalalaan siya ng panahong manalangin at magnilay. Isa sa mga lugar na kanyang pinupuntahan ay ang bahay-ermitanyo (hermitage) ni San Sharbel, na nasa Annaya, Lebanon.
 
Noong gabi ng ika-10 ng Nobyembre 1994, nagdarasal si Raymond sa labas ng bahay-ermitanyo ni San Sharbel kung saan napakalamig. Habang nagdarasal, pinagkalooban siya ng bagong karanasan ng pagmamahal at pagka-Ama ng Diyos, at ng Kanyang pagkalinga. Narito ang kanyang salaysay sa naganap:
 
“Nagdarasal ako, tulad nang nakaugalian ko na ng ilang taon, at sa pagkakataong ito sa harap ng bahay-ermitanyo ni San Sharbel sa Annaya. Nakita ko ang sarili ko sa ibang mundo… tumigil ang lahat. Hindi ko na makita ang mga nakasinding kandila, o ang mga puno, o ang lupa. Wala akong madinig na anumang tunog. Hindi ko maramdaman ang aking katawan. Nagsimula akong makita – subalit hindi ng mga mata – ang mga bagay na hindi ko nakita sa aking buhay. Napatigil ang pandinig ng aking tainga, subalit nagsimula kong madinig ang mga bagay na hindi ko pa nadinig noon. Nagsimulag maramdaman ko sa aking puso ang hindi ko pa naramdaman dati na tila ang puso ko ay hindi na gawa sa laman at dugo. Nakakita ako ng kakaiba at kamangha-manghang Liwanag na hindi tulad ng ibang liwanag na aking nakita na; isa itong dagat ng liwanag na kalat mula sa isang dulo ng sansinukob hanggang sa kabilang dulo. Magmimistulang munting kandila ang araw kung ihahambing sa Liwanag na ito. Hindi ito natural na liwanag; kahit pa malakas hindi ito nakasisilaw o nasusunog. Ang Liwanag ay banayad at payapa, mahinahon, subalit malakas at makapangyarihan din naman. Kulay kristal ito ay sobrang linaw at busilak na Liwanag. Naramdaman kong tila ako isang munting patak ng tubig, lumalangoy sa napakalawak na dagat ng kahanga-hangang Liwanag na kristal. Naramdaman kong lubha akong ligtas tulad ng isang munting sanggol na tiwalang naglalangoy sa tubig sa loob ng sinapupunan ng kanyang ina. Naramdaman ko ang hindi maipaliwanag na kagalakan at lubhang pagkamangha!
 
Naramdaman kong para bagang nakatayo, nakaupo, o lumalangoy o iba pang hindi ko mawari. Tila ako ay nasa harap ng isang dakilang bagay o nasa puso ng isang napakalakas at kahanga-hangang bagay. Ang presensyang ito ay ang kaganapan ng kapangyarihan, kaalaman, habag, at pagmamahal. Naramdaman kong tila nakaugnay ako sa isang bagay samantalang, sabay nito, nakaugnay ako sa lahat ng nilalang sa sansinukob. Tila ang buong sansinukob ay naging isa at bahagi ako nito. Tila ang sansinukob ay natunaw sa Liwanag na ito, at gayundin ako. Pagkatapos, nakipagtalastasan ako sa Liwanag. Nakipag-usap ito sa akin na walang mga salita, walang tinig, walang wika, subalit sa paraang malinaw pa kaysa anumang mga salita, at mas mahusay pang magsalita sa anumang wika. Ang Liwanag na ito ay tahasang nakikipag-usap sa aking kaluluwa at tahasang nagsasalita sa aking isip at puso – na hindi dumadaan sa aking tainga o aking mata o anumang makamundong pandama ko, na hindi ko na nga napapansin pa.”
 
Sinabi ko sa sarili ko, “Baka nananaginip ako.” Tumugon siya sa Kanyang paraan at sa Kanyang wika, na walang mga salita, tunog o wika. Ipinaunawa niya sa akin – sa malinaw na paraan na hindi magkakamaling isalin o unawain o ipaliwanag – na hindi ako nananaginip. Subalit, patuloy kong sinasabi sa sarili, “Tiyak na ako ay walang malay.” Sa parehong kamangha-mangha at malinaw na paraan ipinaliwanag Niya sa akin na ako ay nasa taluktok ng kamalayan at na hindi ko pa narrating sa aking buhay ang antas ng pagkamulat sa aking buhay tulad ng nararanasan ko sa sandaling ito. Tila ba sinasabi Niya sa akin: “Mas higit kang mulat ngayon kaysa sa dati mo nang naranasan sa iyong buhay. Ikaw ay nasa pinakamulat na sandali ng iyong buhay.”
 
Pagkatapos napag-isip ako: Nasaan baa ko? Ano ang Liwanag na ito? Sino itong nakikipag-usap sa akin? Sa sandaling iyon, nadama ko ang kahanga-hangang pakiramdam na kayang madama ng isang tao: napakalubhang kapayapaan, isang hindi maipaliwanag na kagalakan, isang matindi at lubos na kaligayahan. Ito ay isang ganap at kamangha-manghang kalinawan, isang dalisay at malakas na pagmamahal na milyong beses na higit sa pagmamahal na nasa puso ng lahat ng mga tao na pinagsama-sama… isang dakila at pambihirang pagmamahal, subalit hindi tulad ng sa tao, iba ito doon. Isang dakilang banal na pagmamahal na tanging ang Liwanag na ito ang maaaring magkaloob.
 
Habang nalulunod ako sa magandang pakiramdam, at lubos na natunaw dito, “nadinig” ko Siyang nagsasabi sa akin: “Ito ako.” Tila ba napakatagal ko na Siyang kilala, mula pagsilang, o maaaring kahit bago pa ako isilang. Naramdaman kong tila kilala Niya ako nang lubos mula pa sa sinapupunan ng aking ina at bago pa doon. Tila alam Niya ang bawat atom ng aking katawan; at alam Niya bawat cell ng aking utak. Tila ba alam Niya lahat ng kaisipan ng aking kaluluwa, at ang aking mga pakiramdam nang higit pa sa akin. Naramdaman kong lubha akong hubad sa harapan Niya at naramdaman kong tumagos ang Liwanag mula sa isang gilid ng aking katawan patungo sa kabilang gilid nito. Walang aninong nagmumula sa Liwanag; tumatagos siya sa lahat ng bagay… naramdaman kong pumasok siya sa bawat sulok ng aking puso.
 
Ninais kong manatili ang Liwanag na ito nang palagian. Ninais kong manatili sa Kanya lagi at kung nais man Niyang umalis, na sana dalhin Niya ako kasama Niya. Subalit tumugon Siya sa Kanyang paraan na tila sinasabi sa akin: “Narito ako lagi at sa lahat ng lugar; hindi Ako lumalayo. Lagi Akong nasa panahon, at sa labas nito; nasa lugar at sa labas nito.”
 
Tumagal nang apat na oras ang karanasang mistiko na ito. Pinilit ni Raymond na bigyang saysay ang lahat ng naganap sa kanya, subalit hindi niya makaya, dahil patuloy na naglagablab sa puso niya ang kaaya-ayang pakiramdam. Pinulot niya ang kanyang Bibliya, mga kandila, at ibang ari-arian at tumungo sa kotse. Paliwanag niya:
 
“Kalapit ng estatuwa ni San Sharbel, may naramdaman akong mainit sa aking kaliwang braso. Kumati ito at akala ko ay may kumagat sa akin. Umiinit ang aking braso kahit na ang buong katawan ko ay malamig. Nang makarating sa kotse, hinubad ko ang aking pangginaw at itinaas ang aking manggas.
 
Nakita ko ang (tatak) ng limang daliri sa itaas ng aking braso. Nakaukit itong tila kamay sa aking braso at napapalibutan ng pulang sinag na tila ba itinatak sa pamamagitan ng apoy. Subalit wala akong ibang nadama kundi mainit. Nagmaneho ako pauwi. Nang makita ng asawa ko ang aking braso, nag-Krus siya at tinanong ako kung kaninong kamay (ang nakatatak). Napanatag ako. Hindi ko na kailangan pa ng patunay. Ang naganap sa akin ay tunay!”
 
Ang mapaghimalang tatak sa kanyang braso at sa kanyang puso ang nagpabago sa kanyang buhay. Ipinasailalim ni Raymond ang kanyang sarili sa awtoridad ng Simbahan at sumunod sa pakiusap na idokumento ang pangyayari, matapos siyang dumaan sa pagsusuri ng katawan at isip.
 
Tatlong beses na sinuri ni Dr. Nabil Hokayem, isang plastic surgeon sa Beirut, ang braso ni Raymond (1994, 1995 at 1996). Sa kanyang opinyong propesyunal, ang tatak ay isang third-degree burn na sumunog sa kapwa itaas at ibabang suson ng balat. Sinabi ng doktor na noong una niya itong makita, nais niya sanang gamutin at balutan tulad ng karaniwan, subalit tumanggi si Raymond, dahil hindi naman daw siya naaabala nito. Bukod sa hindi masakit, paliwanag ng doktor na hindi pangkaraniwan na ang paso ay hindi nag-iwan ng peklat, kundi dahan-dahan lamang na naglaho hanggang “tuluyan nang gumaling.”
 
Kumbinsido si Raymond na si San Sharbel ang nagtatak sa kanyang braso upang tiyakin sa kanya na ang kanyang karanasan ng presensya ng Diyos ay tunay tulad ng tatak na nasa kanyang braso. Matapos ang limang araw ang sugat ay ganap nang naghilom sa sarili nito, at hindi nag-iwan ng peklat.
 
Matapos ang natatanging karanasang espirituwal na ito, itinalaga ni Raymond ang kanyang buhay sa paglilingkod kay Kristo. Noong 1995, kasama ang isang grupo ng mga layko at mga pari, monghe, at madre, itinatag niya ang isang prayer group sa Annaya sa ilalim ng pangalang “The Family of Saint Sharbel.” Nagtitipon sila tuwing Biyernes nang gabi para sa Bible study, pagdiriwang ng Divine Liturgy (Banal na Misa), at saka may prusisyon patungo sa bahay-ermitanyo ni San Sharbel, habang nagro-Rosaryo at nagninilay sa Salita ng Diyos.
 
Libu-libo ang sumapi sa “Family of Saint Sharbel” mula 1995, sa ilalim ng patnubay ng Maronite Catholic Church at kumalat ito sa ibang bansa. Ang pangunahing layunin nito ay ang tunay na isabuhay ang Mabuting Balita, ang mga aral ng ating Panginoong Hesukristo at ng Simbahang Katoliko. Matapos ang siyam na taon ng karanasan at masusing pagmamatyag ng Simbahan (ayon sa batas sa pagtanggap ng mga bagong grupo sa Simbahan), ang Family of Saint Sharbel ay tumanggap ng opisyal na pagkilala bilang isang “ecclesial community” noong 2010.
 
Noong 1996, sumapi si Raymond sa Tele Lumiere, ang Christian TV station sa Lebanon, na nagsasahimpapawid sa Middle East at sa buong mundo. Siya ang Executive Director ng Tele Lumiere sa satellite channel nitong tinatawag na Noursat.
 
Mula 2000 naglalakbay si Raymond sa buong mundo upang ipakilala ang Tele Lumiere at Noursat at nagsisikap siyang palawakin ang mararating ng istasyon sa buong mundo, pinauunlad ang mga program at mga kagamitan, at nagtatatag ng Family of Saint Sharbel groups (USA, Poland, Ukraine, UK, France, Australia, atbp.), habang matibay na naniniwalang ang mensahe ni Kristo ng pagmamahal, kapayapaan, at pagkaka-unawaan ng mga tao ay dapat makarating sa lahat ng puso sa daigdig na ito.
 
Noong 2007, nang matigatig ng mensahe ni Saint Pope John Paul II, na “ang Lebanon ay higit pa sa isang bansa, ito ay isang Mensahe,” itinatag ni Raymond ang “Liban Message Movement” (Lebanon the Message Movement) na may layong kumilos para sa pagkakasundo at pagbubuo ng tulay sa pagitan ng mga magkakaibang partidong Lebanese na napaghiwalay ng digmaan. Bilang pangulo ng Family of Saint Sharbel, pangulo ng Liban Message Movement, at executive director ng Noursat, itinalaga ni Raymond ang buhay sa paglilingkod sa Panginoon, sa pangangalat ng Kanyang Mabuting Balita, at sa pagtawag sa mga tao na tumugon sa tawag ng Diyos sa bawat isa na tuparin ang Kalooban ng Diyos sa kanilang buhay, na walang iba kundi ang pagiging banal sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa at mga turo ng Panginoong Hesukristo.
 
Hanggang nitong 2020, ang mga pakikipagtagpo ni Raymond kay San Sharbel ay naulit nan ang 100 beses. Lahat ay naganap sa Annaya sa Lebanon maliban sa dalawa na naganap sa simbahan ng Most Holy Trinity Monastery sa USA. Sa mga karanasang ito, ang tatak sa kanyang braso ay nauulit isa o dalawang beses bawat taon. Nakatanggap na din siya ng mga 45 mensahe, at labing-anim dito ay nailathala na.

Comments are closed.

    Mga Karanasan

    Ang Karanasan Ni Raymond Nader Kay San Sharbel
    Unang Karanasan
    Ikalawang Karanasan
    ​Ikatlong Karanasan
    Ika-Apat Na Karanasan
    ​Ikalimang Karanasan
    Ika-Anim Na Karanasan
    Ikapitong Karanasan
    Ikawalong Karanasan
    Ikasiyam Na Karanasan
    Ika-Sampung Karanasan
    ​Ika-Labing-Isang Karanasan
    ​Ikalabing-Dalawang
    Karanasan

    ​Ikalabing-Tatlong Karanasan
    ​Ikalabing-Apat Na Karanasan
    Ikalabing-Limang Karanasan
    Ikalabing-Anim Na Karanasan
    ​Mga Sipi Mula Sa Nalalabing Lima Pang Mensahe

Pamilya ni San Sharbel USA
​9340 Braymore Circle, Fairfax Station, VA 22039
  • San Sharbel
    • Talambuhay
    • Mga Himala
    • Mga Patotoo >
      • ​Patotoo Ni Maria G. Foley
      • Patotoo Ni Olivier Giroud-Fliegner
      • Patotoo Ni Georgette Larose
      • Himala Ng Pagpapagaling Kay Margaret Bieser
      • Himala Ng Pagpapagaling Kay Homer Wiggins
      • Ang Himalang Pagpapagaling Kay George Pospisil
    • Mga Panalangin
  • Mga Karanasan
  • Tungkol sa Amin
    • Paliwanag sa Logo
  • Mag-donate
  • Mga wika1
    • English
    • Español
    • Português