Naglalakad ka sa mga landas ng iyong buhay na bitbit ang maraming pabigat, pasanin at alalahanin, dala ang mga banga, ang iba ay kinakailangan, at ang iba, walang silbi.
Ipinamudmod mo ang iyong mga kayamanan sa iyong mga banga, hinahalo ang mga kayamanan sa hindi mahahalaga hanggang hindi mo na alam kung anong banga ang naglalaman ng iyong kayamanan. Ang ibang banga ay nahuhulog at nababasag, at ang mga kayamanan ay nawawala, at hindi mo nakikita o nalalaman dahil sa ingay ng iyong mga banga. Ang iba ay nagsasayang ng kanilang mga kayamanan sa mga landas ng kanilang buhay at dumarating na pagod dala ang mga paso. Bawat banga na dala-dala mo na hindi naglalaman ng iyong kayamanan ay mapupuno ng mga pagka-abala at sobrang timbang na makahahadlang sa iyong paglalakbay at papagod sa iyo. Ibaba mo ang mga banga ng kapaguran na ibinabato sa iyo ng mundo, kahit pa malayo mo na itong nabitbit, pinagpaguran mo na, pinagmasakitan mo na at siguro ay naging sanay ka pa sa mga ito. Alamin kung nasaan ang iyong kayamanan, at ilagay ang buong puso mo dito. Ilagay ang buo mong kayamanan sa isang banga at dalhin mo ito nang mabuti. Sa gayon, maaalagaan mo ang iyong kayamanan at makakarating ka sa pupuntahan na puno ito. Magdala ng isang banga, ang banga ni Kristo, at pupunuin Niya ito ng pagmamahal at dadalhin ito kasama mo. Kahit gaano kapuno ito, kaya pa nitong magdagdag ng laman; at kahit gaano pa ito kabigat, mananatili itong magaan. Ang mga natitirang banga ay gawa sa putik lamang, at kahit walang laman, mabibigat ang mga ito at nakakakuba. Piliin ang mga kilos mo sa mundong ito, huwag hayaang ang mga landas ng mundo ang pumili sa iyo, at huwag dalhin ang mga banga ng mundong ito, na nagpapahirap, nakaka-abala at nakakapagod sa iyo. Lalo mong dinadagdagan ang iyong mga banga, lalong inilalayo mo ang sarili sa iyong kapwa. Bawat banga ay kailangan ng puwang, at habang dumadami ang bilang ng iyong mga banga, lalo kang lumalayo sa iyong kapatid upang huwag magbanggaan ang mga banga at mabasag. Nagiging mas mahalaga ang mga banga kaysa sa iyong kapatid. Upang pangalagaan ang mga banga, nawawala naman ang iyong kapatid at kapwa. Alamin mong ang kayamanan mo ay nakapahalaga, subalit bitbit mo ito sa sisidlang putik. Bawat kapatid mo ay may napakahalagang kayamanan, na dala din niya sa isang bangang putik. Ginagawa mo ang iyong banga sa pamamagitan ng iyong mga kamay at namamaluktot ka sa loob nito. Nakaupo ka sa loob ng banga at sinasabi mong ang mundo ay putik; sinumang nakaupo sa loob ng banga ay makikitang ang buong mundo ay putik. Lumabas ka sa banga at makikita mo kung ano talaga ang mundo ito at hindi tulad ng pormang naisip mo sa loob ng banga. Bayaan ang bawat isa na punuin ang kanyang banga mula sa kayamanan ni Kristo sapagkat Siya lamang ang tunay na kayamanan. Upang maunawaan mo ang iyong kapatid, huwag pumunta sa kanya sa pamamagitan ng sistemang intelektuwal likha ng iyong isip. Pumunta sa kanya na may pagmamahal mula sa Espiritu ng Manlilikha, na inilagay Niya sa iyong puso. Maging puno ng mga binhi ng trigo sa giikan ng Panginoon. Samakatuwid, kapag tinarabaho ka na at inihagis pataas ng mang-gigiik upang linisin ka, magiging mabigat ka at babagsak ka sa giikan upang matipon sa mga kamalig ng buhay. Huwag maging magaan, binhing walang laman tulad ng dayaming tinatangay ng hangin, na magkakalayu-layo sa labas ng giikan at kakalat doon. Magtiwala kang walang makapupuno sa iyo at makapagbibigay ng bigat maliban kay Kristo. Punuin mo ang sarili kay Kristo at mananatili ka sa giikan at matitipon doon, at habang nasa giikan ka, tatahipan ka ng tinidor pang-tahip, at liliparin ang mga dayami at ipa. Sa giikan bawat butil ng trigo ay mananatiling mag-isa kahit pa ito ay natipon, natimbang, at naisupot na kasama ng ibang mga butil, ang mga kapatid nito. Ang gilingang bato, ang tubig at ang apoy ang gagawa sa mga butil ng trigo na maging isang galapong at isang tinapay. Mula sa bukid hanggang sa tinapay ang paglalakbay ay mahaba: ipagdasal ang karit na aani sa iyo, sa giikan na gigiik sa iyo, sa giikan na titipon sa iyo, sa pangtahip na magpipino sa iyo, sa batong gilingan na gigiling sa iyo, sa tubig na magmamasa sa iyo, at sa apoy na magluluto sa iyo. Ang daan ng kabanalan ay mula sa bukid hanggang sa tinapay, mula sa lupa hanggang sa Liwanag, mula sa sabsaban hanggang sa Krus at Pagkabuhay: lakarin ito sa galak ng Pagkabuhay. Comments are closed.
|
Mga KaranasanAng Karanasan Ni Raymond Nader Kay San Sharbel |